Ako pa rin ang talo.
Iiwanan na kita.
Dahil sinasaktan mo ako.
Sa bawat ngiti mo,
sa bawat tingin mo,
alam ko,
wala akong puwang
dyan sa puso mo
Iiwanan na kita
dahil hindi patas ang oras na binibigay ko sayo
kapalit lamang ng limos na sandali na kadalasan pa ay dinadaanan na lamang ng hangin,
lumilipad nang walang pagbalik. Iiwanan na kita
dahil wala akong napapala.
ang puso kong nasaktan
ay nasasaktan ng paulit ulit pa.
Sabi nila sa pagibig,
wala kang dapat hintaying kapalit.
Ngunit bakit kahit anong pilit ko,
Bakit uhaw pa din ang puso ko
sa pagmamahal mo?
Pero alam kong hindi ko pwedeng angkinin ang puso mo.
Ang puso mong maraming nagmamahal,
ang taong inaalayan ng lahat ng kanilang mga puso.
O sige, tatanggapin ko na
kailan man walang pagmamahal
na mahuhulog sa palad ko.
Pero baka pwedeng pasasalamat?
Kahit utang na loob?
na sa kabila ng pagkabulag mo,
sa kabila ng pagkamanhid mo,
sa kabila ng pagkagago mo,
marami ang nagmamahal sayo.
Mga taong nagpapakabulag sayo,
mga taong namamanhid sa lahat ng pagkakamali mo.
Mga taong tinatanggap ang lahat
ngunit hindi nawawalan ng pag asa na makatanggap ng maliit na pasasalamat mula sayo.
Pero wala. Nganga.
Iiwan na kita
dahil kahit wala kang ginawa
Ang puso ko, dinurog mo ng todo.
Baka nga hindi na kayang magmahal pa,
dahil ito'y bugbog-sarado.
Panahon na para lumaya.
Panahon na para isipin ko namang maging masaya.
Pero paano ba matuturuan ang pusong pumili ng kasiyahan sa iba?
kung ikaw at ikaw rin lang ang tinitibok nya?
Iiwanan na kita,
pero bakit ganun?
Sa tuwing nakakapag-ipon ako ng lakas para humakbang palayo,
bumabaon ang sakit ng puso ko
Inaalis ng unti-unti
ang hangin sa katawan ko.
Ano ba ang pipiliin ko?
Mamuhay ng may sugatang puso?
o umalis at ikamatay ko?
Hindi lang pala puso ko
ang iyong inangkin.
Pati ang aking pangarap,
pati ang aking pagasa,
pati ang aking hangin.
Hindi lang pala ang puso ko,
pati rin pala lahat ng tapang,
lahat ng lakas para magawa kong humakbang palayo,
Lahat na lang, inangkin mo.
Kahit anong gawin ko,
Sayo na pala ang buong mundo ko,
sa huli, kahit anong pagpupumiglas ko,
kahit anong kagustuhan kong
itigil lahat ng ito.
Hindi ka pa rin lilingon,
Hindi ako makakatakbo.
Sa huli, ako pa rin ang talo.